Lunes, Oktubre 24, 2011

Labanan sa Setro pt 40

Umuusad na ang mga karwaheng pandigma ng Encantadia at Davinas patungo sa lugar ng Adia. Gayundin ang pulutong ng Adia, sinisimulan na rin ni Iona ang orasyon sa pagbangon ng Etheria, Ngunit ang heneral ng Adia na si Kelmar ay nauna na, balak niyang tapusin ang laban bago pa man dumating ang sanib puwersa ng Davina at Encantadia sa Adia, siya ang nagmamay-ari ng brilyante ng kamatayan.

Mula sa malayo ay namataan na ng sanib puwersa si Heneral Kelmar, nakilala siya ni Orke na kasama sa pulutong.

"Mag-iingat kayo siya ang batang heneral na tumapos sa labanan sa lupain ng Redentor, hawak niya ang brilyante ng kamatayan, may kakayahan siyang tawagin ang mga namatay na nilalang" ani Orke

Mulaa sa kamay ni Kelmar ay lumitaw ang brilyante ng kamatayan, kasabay nito ang paggalaw ng lupa, at mula rito ay umusbong ang kamatayan, daang libong kalansay ng pachnea, at iba pang magigiting na mandirigma ang umusbong mula sa lupa, kasama na rito ang mga mandirigmang Hator.

"Mahabaging Emre" ani Lumeno, ngayon ay naintindihan na nila kung bakit natalo ang ang pulutong ni Helmechia.

"Hindi ito ang panahon para matakot, ni ang panahon upang umatras, ito ang panahong babawiin ng ating lahi ang karangalang inagaw sa atin ng lahing Adia, panahon ito upang ipaghiganti ang mga kasamahan nating inalipusta ng mapagsamantalang encantadia, pagkakataon upang ipadama sa kanila ang sakit na ipinadama nila sa atin" sigaw ni Raflesia

Sa wikang iyon ni Raflesia ay nagsigawan ang mga mandirigma, sabay sunod sunod na sumugod sa pulutong ng kamatayan. Ngunit bago pa sila magang-abot ay napuno ng baging ang lugar, ang pulutong ng kamatayan ay nabalot ng mga baging na pumipigil sa kanilang paggalaw, ang mga lumilipad na pachnea sa itaas ay isa isang nadurog, isang malaking kagubatan ang nabuo sa gitna ng digmaan.

Nagtaka ang lahat sa namalas, ang daang libong alagad ng kamatayan, ay tila nawalan ng saysay, wala silang hinuha kung sino ang may kagagawan ng himalang ito. Napatingin si Liyebres sa gawing kanan ng pulutong at mula sa malayo ay natanaw niya ang nagliliwanag na brilyante ng lupa, hindi siya nagkamali, dumating ang 5 gaya ng inaasahan nila.

Nagsigawan ang laksa ng sanib puwersa sa pagdating ng 5.

"Iwanan niyo sa akin ang laban na ito, tahakin niyo ang daan pa kanluran at ako na ang bahala sa kanya" ani Adwayan

Ganoon nga ang ginawa ng pulutong, iniwan na nila Andoras si Adwayan.

"At sinong nagsabing makakaalis na kayo" galit na sigaw ni Hen. Kelmar

Muling nabuo ang mga nadurog na kalansay, mas malalaking pachnea ang nabuhay mula sa ilalim ng lupa, malahigante ang laki nila. Ngunit sa sandaling malapit na silang makalapit sa pulutong ay matutulis na kahoy ang bumaon sa bawat isang nasa lupa, ang mga nasa himpapawid naman ay nilamo ng mga halamang may pangil.

"Hindi mo yata narinig ang aking tinuran, napaka mangmang mo at tinatanong mo pa kung sino ang nagsabi sa kanilang maari na silang umalis" panunuya ni Adwayan.

Malayo na ang kanyang kakayahan, kumpara sa dati, ang bawat salitang kanyang binibigkas ay punong puno ng paninindigan at lakas ng loob, na tila kayang kaya niya ang kalabang nagpabagsak sa pulutong ni Reyna Helmechia.

Susunod:
Buhay laban sa kamatayan
Ang brilyante ng lupa laban sa brilyante ng kamatayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento