Nagpatuloy si Aquila at Adwayan sa paglalakbay, tuwing mahihinto sila ay tinuturuan siya ni Aquila sa tamang paghawak ng sandata, pana, espada, maso, sibat, maging ang simpleng kutsilyo ay tinuro niya dito. Gabi na ng matunton nila ang paanan ng bundok ng Mustre, nagdesisyon silang magpalipas ng gabi sa paanan, delikado ang bundok lalo na at gabi na, nagsindi sila ng maliit na apoy upang magsilbing init sa malamig na gabi, ngunit sa di inaasahang pagkakataon ay bnati sila ng mga armadong grupo ng engkantada, at iniutos na sumama sila dito, Dinala sila nito sa isang kuweba kungsaan naghihintay ang pinuno ng mga bandidong engkantada. At naroon si Andoras sa piling ng pinuno ng bandidong kinilala niyang Ama, Balton ang pangalan ng pinuno, may katawan ng isang mangangaso, malalim ang mata, at may kasuotang gawa sa patay na Dorero, isang uri ng pachnea, bagay na hindi nagustuhan ni Adwayan. Nagpaumanhin si balton sa pagdakip na ginawa ng kanyang mga kasama, nais lang daw nilang makasigurado na hindi sila espiyang pinadala ng kaharian ng Adia. Sumagot naman si Aquila na makasisiguro silang hindi sila Espiya ngunit may pakay siya sa kanilanng grupo. Mabilis na naghinala ang matandang babaylan at inutos na tangalin ni Aquila ang takip sa kanyang mukha, lumapit ang matandang babaylan upang hablutin ito, ngunit mga damong tila nagsasayawan ang nagsilbing panangga ni Aquila dito, susugod sana ang iba pang mga bandido ng pinigilan sila ng matandang babaylan, lumuhod sa harapan ni Aquila ang matandang babaylan at humingi ng tawad, alam niya ang paraan at kapangyarihang iyon, nakikilala niya ang misteryosong babaeng nagtatago sa pangalang Aquila.
Ngunit ng tanungin ang matanda ni Balton kung bakit ay nanatiling tikom ang bibig nito, marahil ay naunawaan niya kung bakit nais nitong itago ang kanyang pagkakakilanlan.
Hinablot ni Aquila si Andoras sabay sabing "dadalhin namin ang binatang ito". Tumayo si Balton upang pigilan si Aquila ngunit sinuway siya ng babaylan. Ng mapagtanto ni Balton na wala siyang magagawa ay hinamon niya sa isang labanan si Aquila, at kung siya ay matalo ni Aquila ay malayang makakasama ang kanyang anak-anakan sa kanila. Tinakda ang labanan bago sumigaw ang haring araw.
Tahimik na nanonood ang lahat ng diwata, magsisimula na ang laban ng kanilang pinuno sa estrangherang nakatakip ang mukha. Matagal tagal na rin ng huli nilang makita ang bangis ng kanilang pinuno, nakasisiguro silang walang laban ang balingkinitang babae. Nilabas ni Balton ang Palakol ni Destal, may 2 metro ang haba ng hawakan na gawa sa kahoy at isang metro ang haba ng talim. Si aquila ay pinilang pumutol ng 2 diretsong sanga sa puno malapit sa kanya, at iyon ang nagsilbi niyang sandata. Sinugod siya ni Balton na winawasiwas ang malking palakol ngunit gaya ng inaasahan ni Aquila ay hindi ito ganong kaliksi marahil na rin ay sa laki ng pangangatawan nito at sa laki na rin na hawak nitong sandata, isang malakas na wasiwas ang simulang panugod ni balton, naiwasan ito ni Aquila at nakalayo, sa ganoong posisyon ay hindi siya kayang abutin ng palakol, ngunit ibinato ito ni balton, huli na upang umiwas pa siya, sa gulat ng lahat ay pinigilan ni Aquila ang palakol sa pamamagitan ng pagsalo nito sa sa kanyang talim gamit lamang ang kanyang kamay, iniabot niya ang palakol sabay sabing "ang mga mineral na nagmula sa lupa ay pagmamay-ari ko, gawa sa kahoy at metal ang armas mo, bagay na sakop ng aking kapangyarihan."
Isang malakas na hiyawan ang sinukli ng mga bandido sa namalas nilang labanan, isang piging ang naganap, para sa pagdayo sa kanila ng magiting na mandirigma at para rin sa paglisan ni Andoras, nanumpa rin ang mga bandido ng katapatan kay Aquila. Nagpasalamat naman si Aquila sa tinuran ng mga bandido at sinabing kinakailanga nila ang lahat ng tulong na makukuha nila, sinabi niya ring lilisanin nila ang lugar bago pa ang umaga.
Sa kanilang paglisan ay nakasunod ang 2 matalim na mata, mga mata ng mamamaslang na si Navras, uhaw sa dugo.
Dumaan sila sa disyerto ng Penopyo,isang disyertong walang nabubuhay na nilalang, mainit at pawang mga butil na buhangin ay iyong makikita, isang malawak na lupain na punong puno ng buhangin. Isang lugar na hindi dinadatnan ng luha ng bathala, lugar na kinalimutan na ng panahon.
Sa kalagitnaan ng paglalakbay ay bumagsak si Adwayan, hindi siya sanay sa ganoong kundisyon ng klima, nabuhay siyang sagana sa mga kakahuyan at mahanging klima. Ito rin ang pagkakataong hinihintay ni Navras, ang hintaying manghin ang mga kalaban at saka niya ito susungaban. Hinugot nito ang balikukong patalim sa harap ng 3 sabay wikang "Kailangan ko ng mga buhay niyo" Hinugot ni Andoras ang kanyang espada, sanay siya sa pakikipaglaban, lumaki siya sa piling ng mga mangangaso at bandido. Kung sa sandata lang ay alam niyang hindi siya pahuhuli dito, ngunit nagkamali siya, bihasa ang mamamaslang sa paggamit ng patalim na kung tawagin ay Nimbula isang patalim na bumabalik sa may-ari sa oras na ihagis niya ito. Puro pagsanga ang nagawa ni Andoras samantalang si Aquila ay idinistansiya ang naghihinang si Adwayan. Isa lang ang ginagamit na Nimbula ni Navras nag-aalala si Andoras kung anong gagawin niya sa oras na ibato nito ang isa pang Nimbulang hawak nito. Mabilis si Navras sa pagpalit palit ng lugar at pagsalo nito, mahirap sundan ng mata, Isang matalim na punyal ang tumama sa likuran ni Andoras sa pagwasiwas nito sa pangalawa nitong Nimbula. Napaluhod si Andoras sa natamong sugat. Nanatiling nakamasid lamang si Aquila, inisip niyang ito ang pinakamagandang pagkakataon upang masubok si Andoras, nagkunwari siyang inaalagaan si Adwayan, ngunit ang totoo ay mabuti ang lagay ni Adwayan, inisip niyang makikialam na lamang siya sa oras na manganganib ang buhay ni Andoras. Sa gitna ng labanan ay makailang beses na tinamaan ng punyal ng Nimbula si Andoras, sa panahon na iyon ay narinig niya ang sigaw ni aquila, "ang kahinaan ng Nimbula ay ang lakas nito" Ngunit hindi niya iyon maintindihan, hindi rin naman iyon pinansin ni Narvas, sa kadahilanang hindi niya rin iyon maintindihan, malakas ang kakayahan niya at matalas ang Nimbula, hindi maaring maging kahinaan nito ang kanyang talas. Napansin ni Andoras na bumabalik ang Nimbula kay narvas sa oras na ihahagis niya ito, noon niya lamang lubusang naintindihanang sinasabi ni Aquila, hindi niya masundan sa bilis si Narvas, bagkus ay susundan niya kung saan direksyon babalik ang Nimbula at itatarak ang kanyang espada, ngunit kung iiwasa niya ito ay babagal ang paghabol niya dito at mawawalan siya ng pag-asang manalo at mahuhulaan ni Narvas ang ibig niyang gawin kaya nagdesisyon siyang tangapin ang susunod na atake ni Narvas at ganoon nga ang ginawa niya, hinintay niya ang muling pagbato ni Narvas ng Nimbula,isang malalim na sugat ang tinamo niya sa pagghit ng Nimbula sa kanyang dibdib halos himatayin siya sa sakit na naramdaman, ngunit pinilit niya pa ring sundan ang direksyon na tatahakin ng Nimbula, sabay tarak ng espada sa direksyon na iyon, hindi nga siya nagkamali, naroon at naghihintay na bumalik sa kanya ang kanyang sandata. Nanalo siya, ngunit kasabay ng kanyang pagkapanalo ang pagkawala ng kanyang ulirat.
Buong pagmamalaking binitbit ni Aquila ang walang malay na si Andoras, tinawag niya ang mga buhangin at ginawa sila nito ng isang maliit na masisilungan, at doon sila nagpalipas ng magdamag,
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento